Kaugnay ng pandemiyang sanhi ng coronavirus na nakaaapekto sa bawat bansa sa buong mundo, nakikiisa ang pandaigdigang Pamilyang Vincenciano sa mga hakbangin ng bawat taong kumikilos sa pagpigil ng pagkalat ng virus na ito at, sa kalauna’y, sa pagpuksa dito. FILIPINO
Hinihiling ng Komiteng Ehekutibo ng Pamilyang Vincenciano sa lahat ng
mga kasapi ng ating espirituwal na pamilya na aktibong makipagtulungan upang mapigilan ang tuluy-tuloy na pagkalat ng virus na ito. Bilang mabubuting mamamayan, tayo’y makiisa, makibahagi, at sumunod sa mga panuntunan at mga alituntuning ibinahagi ng mga taong nangangasiwa at nangunguna sa pagpigil at pagpuksa ng virus, at sa pagbibigay ng kalinga sa mga nararatay dahil dito. Kaugnay ng mga paglilingkod at mga pakikinabang na ating ibinibigay sa mga taong nangangailangan sa buong mundo, tiyakin nating hindi mapapabayaan ang pangangailangan ng mga mahihirap, lalo na ang patungkol sa mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain at pangangalaga ng kalusugan. Maglingkod tayo sa paraang maiiwasan ring malalagay sa panganib ang ating sariling kalusugan na maaaring maging sanhi pa ng higit pang pagkalat ng sakit. Kumilos tayo na alinsunod sa pinakamainam na paraan at mga panuntunang ibinahagi ng mga eksperto sa ating bayan at sa buong mundo. Tayo ay manalig na sa pamamagitan ni Nuestra Señora de Medalla Milagrosa, ni San Vincente de Paul, at ng lahat ng mga santo at banal ng Pamilyang Vincenciano, at hilingin na magapi natin ang virus na ito upang sa madaling panahon ay bumuti na ang kalagayan sa buong mundo. Inaanyayahan natin ang lahat ng mga miyembro ng Pamilyang Vincenciano na manalangin nang mag-isa, bilang isang pamilya, o isang grupo (kung ito’y naayon sa kalagayan), at idagdag ang mga sumusunod sa araw-araw na pagdarasal:
Vincentian Family Office
500 East Chelten Avenue, Philadelphia, PA 19144, United States of America Office: (215) 713-3984. Email: vfo@famvin.org. Web: https://famvin.org/vfo-en/ Mapagpalang Diyos, tagapagtanggol ng mga mahihina, tanawin Niyo po ng may kahabagan ang inyong bayan na nagdurusa ngayon dulot ng panganib na dala ng pandemiyang ito. Kaawaan Niyo po kami, ipamalas Niyo po sa amin ang Inyong walang hanggang awa at gabayan Niyo nawa ang mga kamay ng mga sumusubok na mapuksa ang sakit na ito! Itanim niyo po sa aming mga puso ang kabutihang loob at ang pagiging bukas-palad upang malaman namin kung paanong mapaglilingkuran ang mga nangangailangan: ang mga matatanda, mga walang tirahan at ang mga mahihirap... yaong mga pumapasan ng bigat na bunga ng krisis na ito. Hayaan Niyo pong mapalapit tayo sa kanila upang pagsilbihan sila sa nakahihirap na sandaling ito! Pangalagaan Niyo po ang mga doktor at nars at lahat ng mga dalubhasang nangangalaga ng ating kalusugan na humaharap sa pandemiyang ito! Bigyan Niyo po ng kaliwanagan ang kanilang mga isipan upang makahanap sila ng lunas. Hinihiling namin ang lahat ng ito sa pamamagitan ni Hesukristo na Inyong Anak aming Panginoon, ang tagapagtanggol ng mga nangangailangan. Amen. Sabay-sabay nating dasalin ang Ama Namin at Aba Ginoong Maria.